MANILA, Philippines - Kailangang madaliin at maging kumprehensibo sa halip na nakatuon lamang sa problema ng land transport ang isinusulong na substitute bill na magbibigay ng emergency power sa administrasyon ni Pangulong Duterte upang tugunan ang suliranin sa trapiko.
Nagpahayag ng pagkabahala si Rep. Winston “Winnie” Castelo ng Quezon City sa pagkakaitsapwera ng aviation at maritime transport na nakakaranas rin ng mabagal na trapiko.
Dala na rin ng kanyang karanasan bilang chair ng committee on Metro Manila development, napuna ni Castelo na kulang sa “urgency” ang panukalang batas dahil hindi nito tinutukoy ang mga prayoridad na proyekto na kailangang gawin sa lalung madaling panahon.
Ibinunyag ng House committee on transportation ang House Bill 4334 o ang “Traffic Crisis Act of 2016,” kung saan pinagsama-sama ang lahat ng panukalang emergency powers measures na naipasa na sa Kongreso.
Aniya, nasa Manila ang isa sa pinakamalalang paliparan sa mundo kung saan nagiging sakit sa ulo ang traffic congestion na nagdudulot ng flight delays.
Sinabi ni Castelo na kailangang maisama ang aviation sa emergency-powers bill dahil sanhi ng traffic congestion ang pagkaabala sa paglipad ng mga eroplano na ikinalulugi ng mga negosyo gayundin ang pagkakahiya ng bansa sa pandaigdigang komunidad.
Pinuna rin ni Castelo na kadalasan ay naghihintay ang maraming eroplano sa himpapawid upang maka-landing sa paliparan na punong-puno ng mga eroplano.
Samantala, nakakaranas din ng cargo congestion ang mga Manila ports at pasanin din ang mga cargo trucks sa mga lansangan na hindi lamang natatrapik kundi nasisira rin dahil sa mga nasabing malalaking sasakyan.
Sa seaports, sinabi ni Castelo na may malaking dahilan upang palakasin ang paggamit ng mga ports sa Batangas at Subic upang mabawasan ang mga international cargo na nagsisiksikan sa Manila’s ports.