MANILA, Philippines - Walang katotohanan ang bali-balitang kumalat sa social media na nagkaroon umano ng leakage sa Bar Examinations ngayong taon.
Nauna nang lumabas sa social media na nag-leak umano ang mga tanong para sa Commercial Law and Criminal Law.
Pero sa inilabas na pahayag sa media, sinabi ni Associate Justice Presbitero Velasco Jr., chairperson ng 2016 Bar Examinations, na nagsagawa sila ng imbestigasyon hinggil sa alegasyon, at lumabas sa pagsisiyasat na wala itong katotohanan.
Hanggang sa bago isagawa ang pagsusulit para sa dalawang asignatura nitong November 20, ang mga tanong ay nanatiling confidential.
Kasabay nito, nilinaw din ni Velasco na hindi totoo ang bali-balita na kinukunsidera ng Korte Suprema at ng mga dean ng mga law school na kanselahin ang Bar Exams ngayong taon o di kaya ay ipaulit ang pagkuha ng pagsusulit sa dalawang asignatura.
Wala umanong magaganap na pagkansela o re-administration ng pagsusulit para sa Commercial Law and Criminal Law.
Umaapela rin si Velasco sa publiko na huwag nang dagdagan ang stress ng mga examinee.