MANILA, Philippines - Inutusan umano ni dating Justice Secretary at ngayon ay Sen. Leila de Lima na magtago ang dating driver at karelasyon nitong si Ronnie Dayan para hindi ito makaharap sa pagdinig ng Kamara kaugnay sa iligal na droga sa New Bilibid Prison (NBP).
Sa muling pagdinig ng House Committee on Justice, lumalabas sa pahayag ni Dayan na noong sinabihan siya ng kanyang kapatid na mayroon siyang subpoena na natanggap mula sa Congress ay kaagad siyang nag-text sa anak na si Hanna Mae.
Sinabi umano ni Dayan sa anak na i-text si “madam” na tinatawag nitong “tita Lei” o “TL” na ang tinutukoy ay si de Lima at kunin ang opinyon niya kasi dumating na ang subpoena at sabihin na a-aatend siya.
Iginiit ni Dayan na ang anak na ang pina-text niya kay de Lima dahil hindi siya nito sinasagot tuwing nagti-text siya sa dating Kalihim.
Subalit ang sagot umano ni de Lima sa text message sa kanyang anak ay “huwag siyang umattend diyan, pagkakaguluhan lang siya diyan, pagtatawanan lang kaming dalawa, magiging kahiya-hiya kami dyan dalawa”.
Kahit gustong-gusto umano ni Dayan na dumalo sa pagdinig ay hindi ito sumipot dahil ang sabi ni de Lima sa text message kay Hanna Mae ay “Paki sabi sa kanya na magtago lang siya. Kagagawan nila Speaker Alvarez at dikta ni Digong. Pagpipiyestahan lang siya at kapag nag-appear siya sa hearing”.
Pinakita naman ni Hanna Mae sa media ang nasabing palitan nila ng text message ni de Lima na may petsang Oktubre 1, bandang alas ?6:14 ng gabi.
Inamin naman ni Dayan na limang beses silang nagkita ni Kerwin Espinosa at nagbigay ng pera para sa dating kalihim, una ay noong Agosto 2014, Oktubre 2014, Nobyembre 2014 at ang panghuli ay sa Baguio kung saan sila nag-abutan ng pera sa isang parking lot.
Habang noong Nob. 19, 2014 ay dumating si Kerwin at nag-meet sila nito kasama si de Lima noong Nob. 22, 2014.
Hindi naman nito masabi kung magkanong halaga ang ibinibigay ni Kerwin para sa kalihim dahil sinasalat lamang niya ito.
Subalit sa unang pagkikita umano nila ni Kerwin ay hindi pa niya ito kilala at hindi rin alam na isang drug lord. Nakilala lamang niya ito ng magtanungan sila ng pangalan dahil si de Lima umano ang nagsasabi kung kailan lang siya pupunta at saan pupuntahan ang taong tinutukoy niya.