MANILA, Philippines – Nakatakdang igisa ngayong umaga ng Senate committee on public order and dangerous drugs ang aminadong drug lord na si Kerwin Espinosa.
Tiniyak ni Sen. Panfilo Lacson, chairman ng komite, dadalhin ng Philippine National Police sa Senado si Kerwin sa pangunguna ni PNP Director General Ronald “Bato” dela Rosa.
Ayon pa kay Lacson, ayaw niyang pangunahan kung ano ang magiging testimonya ni Kerwin bagaman at inihayag na ni Senator Manny Pacquiao na idinawit nito si Senator Leila de Lima na kabilang sa mga opisyal ng gobyerno nagbigay umano ng proteksiyon sa ilegal na droga.
“Hindi naman natin pwede i-second guess ang sasabihin niya (Kerwin). Kung ibe-base natin sa unang pahayag ng naguugnay sa kanya at mag-cooperate siya marami talaga siyang pwedeng isiwalat,” ani Lacson.
Matatandaan na ang imbestigasyon ay isinulong ni Lacson matapos mapatay sa loob ng kanyang selda ang ama ni Kerwin na si Albuera Mayor Ronald Espinosa Sr.
Tiniyak naman ni Sen. Leila de Lima na dadalo siya sa pagdinig bagaman at nauna na nitong itinanggi ang akusasyon sa kanya ng mga Espinosa.
Sinabi pa ni Lacson na sakaling magdesisyon si De Lima na mag-inhibit sa gagawing pagdinig ay personal niya itong desisyon.
Pero sinabi rin ni Lacson na humingi ng pagtiyak si De Lima na hindi siya babastusin ng kanyang mga kapwa senador bagaman at dapat umano itong maging handa kung direkta siyang kokomprontahin ni Kerwin.
Samantala, inihayag rin ni Lacson na ipatatawag nila sa pagdinig ang dating driver ni De Lima na si Ronnie Dayan na nahuli na ng pulisya kahapon.
Ayon kay Lacson, sa susunod na pagdinig na lamang niya ipapatawag si Dayan upang mabigyan ng pagkakataon ang PNP sa gagawing debriefing sa kanya.
Inihayag rin ni Lacson na nakita at nabasa na niya ang affidavit ni Kerwin kung saan maraming opisyal ng pulisya ang kanyang pinangalanan.
Sa nasabing affidavit nagkakaroon na aniya ng linaw kung ano ang motibo sa pagkakapaslang kay Espinosa lalo pa’t nasa listahan ang ilan sa mga opisyal na nasasangkot sa pagpatay.
Kabilang rin sa muling pahaharapin sa pagdinig sina Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Region 8 chief Superintendent Marvin Marcos, Northern Leyte CIDG head Chief Inspector Leo Laraga at Superintendent Santi Noel G. Matira.
“Kung nasa payola nila ang mga na-involve sa pagkamatay ng tatay niya, posibleng may pinagtatakpan. Tutal, identified naman sino talaga pumatay sa tatay niya pero he mentioned Marcos, Laraga, Matira in his affidavit na siyang kumukuha ng regular na payola from him (Kerwin),” wika pa ni Lacson.