Kaso ng kapwa akusado ni GMA ibinasura ng SC

MANILA, Philippines – Ibinasura na rin ng  Korte Suprema ang  lahat ng kasong kriminal na isinampa laban sa mga kapwa akusado ni da­ting Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo kaugnay ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) scam.

Batay sa 14-na-pahi­nang resolution ng en banc ng Mataas na Hukuman na pinalabas ni Atty. Felipa Anama, ibinasura nito ang mga pinagsama-samang petisyon  bunsod ng supervening event na pagpapawalang-sala ng Sandiganbayan sa mga dating bumubuo ng PCSO Board of Directors  at ang pagkatig ng SC sa demurrer to evidence  na idinulog ni Arroyo at Benigno Aguas.

Sa pagpapawalang-sala sa mga akusadong sina dating PCSO Board of Directors Manuel Morato, Raymundo Roquero,at Jose Taruc, pinaliwanag ng Mataas na Hukuman na walang actual case or controversy na nag-oobliga sa mga mahistrado kaya idinismis ang mga naturang petition.

Ibinatay ng Mataas na Hukuman ang kanilang ruling sa resolution ng Sandiganbayan noong Abril 6, 2015 na nagpapawalang-sala kina Morato, Roquero at Taruc  sa kasong plunder dahil wala namang napatunayang kinamkam nila ang sinasabing pondo ng PCSO.

 Napatunayan din ng anti-graft court na ma­ging sina Dating Commission on Audit Chairman Reynaldo Villar at kapwa-akusado na si Nilda Plaras ay walang kasalanan at anumang intensiyong kriminal.

Show comments