MANILA, Philippines – Muling ipinabubuhay ng isang kongresista sa Department of Energy ang gas at oil exploration projects sa West Philippine Sea.
Ayon kay Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel, ngayong nagkakamabutihan na ang China at Pilipinas kaya panahon na para paigtingin ng bansa ang exploration o paghahanap ng gas at oil deposits sa nasabing lugar.
Matatandaan na ito ay nasuspinde noong 2015 dahil sa pag-init ng territorial dispute sa pagitan ng dalawang bansa.
Hindi umano dapat balewalain ng pamahalaan ang kahalagahan ng ganitong hakbang dahil ang Malampaya ay tinatayang mauubusan na ng suplay ng natural gas sa loob ng susunod na dekada.
Nasa reed bank umano ang bulto ng 55.1 trilyon cubic feet ng gas at 5.4 bilyon barrels ng oil reserves base sa naging pag-aaral ng US energy information administration.
Ang Sampaguita field pa lamang umano ng Reed bank ay tinatayang may 4.6 trilyon cubic feet ng NBG gas at 115 million barrels ng langis mas malaki pa sa reserves na nasa Malampaya.