MANILA, Philippines – Daan-daang Marcos loyalist ang dumating kahapon sa puntod ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos upang magbigay pugay matapos ilibing ito noong Biyernes ng tanghali sa Libingan Ng Mga Bayani (LNMB) sa Fort Bonifacio, Taguig City.
Mula sa ibat-ibang bayan ng lalawigan ng Ilocos Norte, alas-7:00 ng umaga nang dumating sa LNMB ang 70 pampasaherong bus, sakay ang grupo ng mga Marcos loyalist, na nakasuot ang mga ito ng kulay pula at puting t-shirts.
Pinayagang makapasok ng mga nagbabantay na mga tauhan ng National Capital Region Police Office at Armed Forces of the Phillipines (NCRPO-AFP) ang mga Marcos loyalist sa naturang libingan matapos pahintulutan ito ng pamilya Marcos.
Nagtungo ang mga loyalista sa puntod ng dating pangulo at alas-8:00 ng umaga ay idinaos dito ang isang misa.
Makalipas ang dalawang oras bandang alas-10:00 ng umaga ay dumating naman sina Ilocos Norte Governor Imee Marcos; dating Senador BongBong; dating First Lady Imelda Marcos at mga kaanak at nagdaos din ng misa sa puntod ng dating pangulo.
Todo bantay dito ang mga tauhan ng NCRPO at Civil Disturbance Management (CDM) ng Southern Police District para panatilihin ang seguridad, kaayusan at kapayapaan dito.