Pamilya at abogado ni Kerwin may death threat
MANILA, Philippines – Pinaplano rin umanong ipatumba ng mga maiimpluwensyang personalidad na sangkot sa illegal drug trade na nasa blue book ng naarestong number 1 drug lord ng Eastern Visayas na si Rolan Kerwin Espinosa ang mga miyembro ng kaniyang pamilya at maging ang kaniyang mga legal counsels.
Ayon kay PNP Chief P/Director General Ronald ‘Bato’ de la Rosa, binigyan na niya ng direktiba si Police Regional Office (PRO) 8 Director P/Chief Supt. Elmer Beltejar na i-secure ang pamilya ni Kerwin.
Inaasahan na ayon sa opisyal na bukod kay Kerwin ay malagay rin sa peligro ang buhay ng pamilya nito.
Sa panayam naman sa mga legal counsels ni Kerwin na sina Atty. John Ungab at Atty Lani Villarino, kakambal na ng kanilang trabaho ang malagay sa peligro ang kanilang buhay kaya todo ang kanilang pag-iingat.
“Batid namin ang peligro. Lagi iyang nariyan at nakahanda kami. Kaya nga humingi kami sa PNP ng security detail,” paliwanag ni Ungab.
Ayon naman kay Villarino, sa pagtanggap pa lang sa paghawak sa kaso ni Kerwin ay batid na nilang nalagay na sa bingit ng panganib ang kanilang buhay at handa sila sa anumang mangyayari.
Sa kasalukuyan ay bantay sarado naman sa PNP Custodial Center sa Camp Crame si Kerwin matapos itong dumating sa bansa nitong Biyernes ng madaling araw mula sa Abu Dhabi, United Arab Emirates (UAE) kung saan ito naaresto.
Sinabi naman ni PNP-Anti-Illegal Drugs Group (PNP-AIDG) Director P/Sr. Supt. Albert Ignatius Ferro na patuloy pa ang pagkuha ng affidavit kay Kerwin kaugnay ng mga personalidad na nasa payola at sangkot sa illegal drug trade.
- Latest