MANILA, Philippines - Nakatakdang ipatawag ng Senate Committee on public order and dangerous drugs na pinamumunuan ni Senator Panfilo “Ping” Lacson ang drug lord na si Kerwin Espinosa sa pagpapatuloy ng pagdinig sa susunod na linggo tungkol sa pagkamatay ng kanyang amang si Ronald Espinosa.
Ayon kay Lacson, posibleng hindi lamang tungkol sa Espinosa killing ang magiging linya ang pagtatanong dahil nais nilang malaman ang motibo sa kung bakit ito pinatay.
“Hindi lang sa Espinosa killing. Kasi remember we want to get to the bottom kung anong motibo. Kasi baka may idea si Kerwin bakit pinatay ang kanyang ama,” sabi ni Lacson.
Bukod kay Espinosa, muli ring ipatatawag ang ilang opisyal ng Philippine National Police na sa ngayon nagbibigay ng seguridad sa aminadong drug lord.
Idinagdag ni Lacson na nakausap na rin niya si Sandra Cam na kabilang sa mga sumundo kay Kerwin sa Abu Dhabi.
May mga rebelasyon din umano si Kerwin kay Cam at kinompirma umano kung sino-sino ang mga nasa payola.
Samantala, ipinaliwanag ni Lacson na si Cam ang presidente ng whistleblower’s association kaya kabilang ito sa mga nakipag-usap kay Kerwin.