MANILA, Philippines - Ipinahayag kahapon ni Philipine National Police (PNP) Chief Director General Ronald Dela Rosa na handa siyang magpakulong sa sandaling mapatunayang nagkasala siya sa pagtanggap ng libreng pasahe at ticket para mapanood ang laban ni Pacquiao sa Las Vegas.
Ayon kay Dela Rosa, hindi siya nagsisi na tanggapin ang inalok ng Senador para sa pagbiyahe ng libre dahil dito ay nabigyan niya ng quality time ang kanyang pamilya.
Kaya naman okay lang anya sa kanya na mapunta sa kulungan dahil naging masaya ang kanyang pamilya at hindi galing sa kurapsyon ang pera. Hindi rin anya niya ito hiningi at kusang loob na ibinigay sa kanya ng kaibigan, at kumpare na si Senator Pacquiao.
“As far as I’m concerned, malinis ang aking konsenya kaya nga nilabas ko yun, sinabi ko yun dahil malinis ang konsensya ko. Sige lang,” dagdag ng opisyal.
Matagal na anya silang magkakilala ni Pacman simula ng sila’y mga amateur boxer pa lamang at hindi pa sikat na boksingero kaya naman okay lang sa kanya na makulong kung mali ang kanyang ginawa.
Samantala, hindi naman anya niya minamasama ang naging opinion ng Ombdusman dahil trabaho lang anya nila ito at mananatili ang kanyang respeto sa nasabing tanggapan.
Dahil tulad anya sa kanilang hanay ay nagi-imbestiga rin sila sa mga lumalabag sa batas. Gayunman, umaasa siya na lalabas din ang katotohanan sa imbestigasyon at hiling nito na sana ay magkaroon ng patas na interpretasyon sa batas para walang maagrabyado.
Pinaninindigan anya ang kanyang ginagawa dahil malinis anya ang kanyang konsensya at kung may magaganap na imbestigasyon ay maging patas sa sandaling isulong na ito ng Ombudsman.
Kasabay nito, nagpasalamat din si Dela Rosa sa Senador sa pagdepensa sa kanya nito dahil wala anyang magtutulungan kundi ang mga galing sa mahihirap.
“Pasalamat ako kay Senator Pacquiao at dinipensahan nya ako. Sino ba ang magtutulungan kundi tayo lang puro galing sa mahirap. Tulungan tayo,” sabi pa ni Dela Rosa.