Sen. Villanueva pinasisibak ng Ombudsman
MANILA, Philippines - Ipinag-utos kahapon ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales na sibakin sa serbisyo si dating CIBAC party list representative at ngayo’y Sen. Emmanuel Joel Villanueva matapos mapatunayang guilty sa Grave Misconduct, Serious Dishonesty and Conduct Prejudicial to the Interest of the Service dahilan sa umano’y maling paggamit ng kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) na may halagang P10 milyon noong 2008.
Bukod dito, pinakakasuhan na ng Ombudsman si Villanueva sa Sandiganbayan ng dalawang counts ng paglabag sa Section 3(e) of the Anti-Graft and Corrupt Practices Act (Republic Act No. 3019), isang count bawat isa sa kasong Malversation of Public Funds at Malversation thru Falsification of Public Documents.
Kapwa akusado ni Villanueva sina dating Department of Agriculture (DA) Secretary Arthur Yap, tauhan ni Villanueva na si Ronald Samonte, DA employee Delia Ladera, NABCOR representatives Alan Javellana, Romulo Relevo, Ma. Julie Villaralvo-Johnson, Rhodora Mendoza, at Maria Ninez Guanizo gayundin si Aaron Foundation Philippines, Inc. (AFPI) President Alfredo Ronquillo.
Napatunayan ng Ombudsman investigators na noong June 10, 2008 ang Department of Budget and Management ay nagpalabas ng P10 million bilang bahagi ng PDAF ni Villanueva para gamitin sa pagpapatupad ng agri-based livelihood projects sa ibat ibang congressional districts sa Region XI.
June 12, 2008, hiniling ni Villanueva kay Yap na ipalabas ang pondo para sa National Agri-business Corporation (NABCOR), bilang Implementing Agency (IA) kasama ang AFPI bilang NGO-partner.
June 19, 2008, isang Memorandum of Agreement ang pinasok ni Yap bilang DA representative at NABCOR.
Para magamit ang P10-million PDAF, ang naturang mga respondents ay bumili ng pechay, radish, sitaw, okra, hybrid yellow corn seedlings, liquid fertilizers at threshers mula sa MJ Rickson Trading Corporation.
Ang naturang mga items ay dapat ilaan sa mga residente ng mga bayan ng Pantukan, Nabunturan, Tambongon, Bongabong, Napnapan, Mipangi, Anislagan at Magsaysay sa Compostela Valley province.
Sa pagbusisi ng Ombudsman, nadiskubre na ang naturang mga lokalidad ay hindi akma na pagtamnan ng halaman dahil ang malaking bahagi ng lupain doon ay okupado na ng mga punong saging at punong niyog.
Nalaman din na ang mga naitalang benepisyaryo ng proyekto ay hindi nakatira sa naturang mga bayan at nakumpirma ng mga local officials doon na walang naipatupad na agri-based livelihood projects sa kanilang bayan na inimplementa ng AFPI.
Nalaman din na ang AFPI ay walang financial capability na maipatupad ang P10 million project dahil ang kanyang capital stock contribution ay may P68,000.00 lamang.
Wala din umano ang MJ Rickson sa sinasabi nitong business address sa Martiniko Street, Malabon City at hindi rehistrado sa Fertilizer and Pesticide Authority at sa Department of Trade and Industry.
Sinasabing pawang mga pinekeng dokumento lamang ang naisumite ng mga respondents tulad ng Accomplishment Reports, Disbursement Reports, Acceptance Reports, at liquidation documents.
Ayon sa Ombudsman, kahit na sinabi ni Villanueva na pineke ang kanyang lagda sa mga dokumento sa mga transaksiyon ng proyekto, nagawa naman nitong direktahang piliin ang NABCOR at AFPI na magpatupad sa livelihood projects kayat naproseso ang paglalabas ng pondo para dito.
Inatasan na ng Ombudsman si Senate President Aquilino Pimentel III na ipatupad ang pagdismis sa serbisyo kay Villanueva.
- Latest