MANILA, Philippines – Nakatakdang magsagawa ng expedition trip ang pamunuan ng Philippine National Railways (PNR) upang alamin ang kondisyon ng kanilang riles mula Maynila hanggang Naga sa Bicol.
Ito’y kasunod ng plano nilang ibalik ang biyahe ng kanilang mga tren sa naturang ruta ngayong Disyembre 15.
Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Assistant Secretary Cesar Chavez, ang naturang “expedition trip” sa may 377 kilometrong riles ay isasagawa nila sa Nobyembre 18.
Sa pamamagitan aniya nito ay mapag-aaralan nila kung maaaring muling makabiyahe ang kanilang mga tren mula Maynila hanggang sa Bicol.
Nabatid na inabisuhan na ni Chavez ang mga residente na malapit sa riles na alisin na ang mga nakahambalang dito.
Ilang parte kasi ng riles ang natukoy na ginagawa nang laruan at inuman ng mga residente, habang may ilan din umanong nagtayo na ng tent sa riles, na nagsisilbi nang harang doon.
Matatandaang ang nasabing biyahe na mula sa Tutuban sa Maynila hanggang sa Legaspi City, Albay ay nahinto noong taong 2012 matapos madiskaril ang isa sa mga tren nito sa Quezon na ikinasugat ng siyam na pasahero.