MANILA, Philippines – Ipinahiwatig kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte na pakikinggan niya ang magiging paliwanag ng pulis hinggil sa pagkamatay ni Albuera, Leyte Mayor Roland Espinosa Sr. kamakailan sa loob ng Baybay sub-provincial jail.
Sinabi ng Pangulo sa media interview sa NAIA 2 bago siya tumulak patungong Thailand at Malaysia, hindi niya kailangang magtungo sa Leyte upang hanapan ng pagkakamali ang mga pulis na sinasabing naka-engkwentro ni Mayor Espinosa sa loob ng kanyang selda ng isisilbi dito ang search warrant ng CIDG-region 8.
‘I will obey what the police will tell me because kasama kami sa gobyerno. I will not go there to find fault with the police. I did not even agree that they should be transferred, at least not now. Kasi pagka ganon wala ng pulis magtrabaho,” wika ng Pangulo.
Aniya, hindi rin siya nakaramdam ng anumang pagkalito sa napaulat na pagkakapatay kay Mayor Espinosa ng mga elemento ng CIDG-region 8 noong Sabado ng madaling araw ng isilbi dito ang search warrant sa loob ng kanyang kulungan.
“Why should be I—Why should I be puzzled? You have here a guy, government employee, using his office and money of government. Cooking shabu and destroying the lives of so many millions of Filipino. So what is them for me to say about it,” paliwanag pa ni Duterte.
Magugunita na napatay ng mga tauhan ng CIDG-region 8 si Mayor Espinosa sa loob ng selda nito matapos umanong manlaban sa mga awtoridad nang isilbi ang search warrant noong Sabado ng madaling araw kung saan ay nahulihan ito ng baril at ilang sachet ng shabu.