MANILA, Philippines – Hindi babawiin ni Pangulong Duterte ang kanyang desisyon na payagang mailibing si dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag sa media interview sa NAIA Terminal 2 bago ito tumulak kahapon patungo sa Thailand at Malaysia.
Magugunitang ilang sektor ang kontra sa naging ruling ng Korte Suprema na pabor sa pagpapalibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Sinabi ni Duterte, wala siyang magagawa kundi sundin at ipatupad ang batas lalo pa’t nagpasya na ang Kataas-taasang Hukuman.
“It’s your choice. I will not take my word back,” wika ni Duterte nang magkausap sila ni dating Sen. Bongbong Marcos kamakalawa sa Tacloban City.
Ayon sa Pangulo, hindi niya maaring baguhin ang nakasaad sa batas na nagsasabing ilibing sa Libingan ng mga Bayani ang mga dating sundalo at presidente ng bansa na kapwa ginampanan ni Marcos.
Ang mga paratang daw laban kay Marcos kaugnay sa karahasan noong Martial Law at katiwalian ay nakatakda pang husgahan ng isang competent court.
Idinagdag pa ni Duterte, walang mababago sa kanyang pasya kahit kausapin pa siya ni Senate Pres. Koko Pimentel na kontra rin sa SC ruling na pinapayagang ipalibing si FM sa LNB.
Hindi naman daw nito sinasabing bayani si Marcos pero ipapatupad lamang nito ang batas.