MANILA, Philippines - Nagdududa ang hepe ng Albuera Police na napatay sa shootout matapos na manlaban si Mayor Rolando Espinosa Sr. sa raiding team at isa pang drug suspect sa kanilang mga selda sa Sub Provincial Jail ng Baybay City, Leyte noong Sabado ng madaling araw.
Sinabi ni Albuera Police Chief C/Inspector Jovie Espenido na matatakutin si Espinosa at ang boluntaryong pagsuko nito ay indikasyon na hindi ito lalaban sa mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) 8 na nagsilbi ng search warrant na humantong sa kamatayan ng alkalde at ng isa pang drug suspect na si Raul Yap.
Para sa isang dating opisyal ng PNP na ngayon ay isang kongresista, maituturing na summary killing ang nangyari kay Espinosa.
Sinabi ni dating Police General at ngayon ay Antipolo Rep. Romeo Acop na chairman ng House Committee on Peace and order na summary killing ang nangyari kay Espinosa.
Dahil dito, handa umano ang kongresista na imbestigahan ang insidente kung may maghahain ng resolusyon tungkol dito o kung gugustuhin ito ng nakararaming miyembro ng kanyang komite.
Paliwanag ni Acop, maraming indikasyon na nagtuturo na summary execution ang nangyari.
Unang-una rito ay kung bakit kailangan umanong magkaroon pa ng search warrant para sa isang indibidwal na nasa kulungan na kontrolado na ng gobyerno.
Pangalawa, bakit isinilbi ang search warrant ng madaling araw gayung maaari naman itong gawin ng araw at ikatlo ay wala umanong cross examination ng hukom sa isang deponent na dapat ay basehan ng pag iisyu ng search warrant.
Bukod dito mayroon pa rin umanong ibang obserbasyon at report na nakukuha si Acop subalit hinihintay nito ang validation bago isapubliko at hihintayin din muna nito ang opisyal na report buhat sa National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa nasabing isyu.