MANILA, Philippines – Aminado ang Malacanang na naguguluhan sila sa pagkamatay ni Albuera Mayor Rolando Espinosa na umano’y nanlaban sa mga aworidad nang isilbi dito ang arrest warrant sa selda nito, ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar.
“I’m puzzled because alam natin na si Mayor Espinosa ay malaking tulong ito sa ating gobyerno sa paggalugad at sa paghanap ng mga sangkot sa bawal na gamot. Kung baga, si Mayor Espinosa is an asset to the government’s investigation sa mga may sangkot o sangkot sa pagbebenta ng illegal na droga. Lalong lalo na the upper echelons of the drug ring,” paliwanag ni Andanar sa Radyo ng Bayan.
Sinabi ni Andanar, maraming mga ibinulgar si Mayor Espinosa na sangkot sa illegal drug trade kaya malaking tulong sana ang alkalde sa effort ng gobyerno upang maparusahan ang mga ito.
Naniniwala naman si Senador Risa Hontiveros na dapat muling buksan ang imbestigasyon ng Senado sa extra judicial killings matapos ang pagkamatay ni Espinosa.
Hiniling din ni Hontiveros sa gobyerno ang pagbuo ng independent inter-agency task force na siyang magsasagawa ng imbestigasyon sa pagkamatay ni Mayor Espinosa upang alamin kung mayroong foul play sa insidente.
Samantala, hinikayat ni Buhay partylist Rep. Lito Atienza ang United Nations Human Rights Councils special rapporteur na imbestigahan ang pagpatay kay Espinosa Sr. at iba pang hinihinalang biktima ng Extra Judicial Killings (EJKs).
Ayon kay Atienza, Bukod kay Espinosa dapat na rin imbestigahan ng UN human rights ang pagpatay sa anti crime crusader ng Oriental Mindoro na si Zenaida Luy ng umanoy dalawang junior police officers na nakasuot ng sibilyan.
Paliwanag pa ng kongresista, dapat ng tuldukan ng PNP ang mga kaso ng summary executions kasabay ng babala kay Chief Bato dela Rosa na ang mga pulis na lantad sa pagpatay sa ngalan ng umanoy magandang intensyon ay lubhang mapanganib.
Para naman kay Albay Rep. Edcel Lagman, na wala ng silbi pa na buhayin ang parusang kamatayan dahil sa kaso ng alkalde na pinatay mismo sa loob ng selda ni Espinosa.