MANILA, Philippines – Malaki ang hinala ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na biktima ng extrajudicial killing si Albuera Mayor Rolando Espinosa Sr., dahil na rin sa “circumstances” ng pagkamatay nito.
“Offhand, I can smell EJK (extra-judicial killing), and I base my conclusion on the circumstances that surround the killing,” ani Lacson na dating hepe ng Philippine National Police (PNP).
Nais ni Lacson na isulong sa pagbabalik ng sesyon bukas (Lunes) ang posibleng pagbubukas ng imbestigasyon ng EJK ng Senate committee on justice na pinamumunuan ni Senator Richard Gordon kung saan maaring ituon ang pagdinig sa kaso ni Espinosa.
Ang pangunahing interest umano ni Lacson ay ang posibilidad na nagkakaroon ng cover-up upang pagtakpan ang ilang personalidad sa father-and-son payola bilang motibo sa pagpatay kabilang na ng kanilang abogado.
“My primary interest is in the possibility of cover-up for certain personalities in the father-and-son payola as the motive for the killing, not only of the mayor but even the lawyer earlier this year,” ani Lacson.
Naniniwala si Lacson na ang isang bilanggo sa loob ng selda katulad ni Espinosa ay hindi makakaisip na manlaban sa mga police officers na magsisilbi ng warrant of arrest.
Nagtataka rin si Lacson kung bakit ang mga CIDG officers at hindi ang mga court personnel o kaya ay sheriff ang magsisilbi ng warrant gayong nakakulong na ang kanilang aarestuhin.
Ipinagtataka rin ni Lacson kung bakit kailangan pang bigyan ng warrant si Mayor Espinosa gayong maari naman silang makipag-coordinate na lamang sa warden.
Ayon pa kay Lacson, tanging si Espinosa lamang ang nasa loob ng selda ng ito ay mapatay kaya walang ibang maaring magsilbing testigo.
Kaugnay nito, hinamon ni Lacson ang mga awtoridad na sagutin ang kanyang mga tanong upang mapaniwala siya sa kanilang istorya.
“Now, I dare them to answer these questions and more in order to convince me to believe their story,” dagdag ni Lacson.
Ayon pa kay Lacson, ang nasabing insidente ay magsisilbing pinakamalaking hamon sa kredibilidad ng PNP na maaring makaapekto sa iba pa nilang operasyon kaugnay sa mga drug suspects na napatay sa kahalintulad na pangyayari.
“I think that incident is the biggest challenge to the credibility of the PNP that could affect even the other operations involving drug suspects killed under similarly suspicious circumstances,” pahayag ni Lacson.