MANILA, Philippines - Pormal nang isinampa ng kampo ng high profile inmate na si Jaybee Sebastian ang patung-patong na kaso sa Department of Justice laban kay Sen. Leila de Lima.
Sa pamamagitan ng kanyang abugado na si Atty. Eduardo Arriba kasama ang maybahay ni Sebastian na si Roxanne Sebastian, inihain ang reklamong paglabag sa Section 3 ng Anti Graft and Corrupt Practices Act o RA 3019; Section 5 ng Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees o RA 6713; at Anti Torture Act o RA 9745 laban kay de Lima.
Kasama rin sa mga sinampahan ng kaparehong reklamo sina dating Bureau of Corrections Director Rainier Cruz at dating New Bilibid Prisons Supt. Richard Schwarcopf.
Dagdag na reklamong paglabag sa Presidential Decree 46 o An Act Punishing the Receiving and Giving of Gifts of Public Officials and Employees at indirect bribery na paglabag sa ilalim ng Revised Penal Code ang inihain kay de Lima.
Nag-ugat ang reklamo sa utos umano ni de Lima na kumalap ng pondo sa pamamagitan ng pagbebenta ng iligal na droga, at pagtanggap umano ng drug money para gamitin niya sa kanyang pangangampanya sa nakaraang 2016 elections.
Ginawa ring batayan sa reklamo ang pagbubunyag ni de Lima sa media at sa publiko na si Sebastian ay asset ng gobyerno na naging dahilan para umano malagay sa peligro ang kanyang buhay.
Naniniwala ang kanyang kampo na ang nasabing pagbubunyag ni de Lima ang naging dahilan kaya nasaksak si Sebastian sa loob ng bilangguan nuong Setyembre.
Inireklamo rin ni Sebastian ang ginawang paglilipat sa kanya ng DOJ, sa utos umano ni de Lima, mula sa Maximum Security Compound patungo ng Building 14.