MANILA, Philippines – Tinawag na bully ni Senator Panfilo “Ping” Lacson ang Amerika dahil sa desisyon na itigil ang pagbebenta ng nasa 26,000 na baril sa Pilipinas para sa Philippine National Police.
Naniniwala rin si Lacson na hindi tama ang naging ugali ng Amerika na matagal ng kaibigan ng Pilipinas.
“The United States’ decision to halt the planned sale of 26,000 rifles to the Philippine National Police was not a scare tactic but a bully attitude towards a longtime ally – which is not fair, the Philippines being an equally sovereign state,” ani Lacson.
Ayon pa kay Lacson, dapat ay magsagawa muna ng isang “conclusive investigation” ang US State Department kaugnay sa naging akusasyon ni Senator Benjamin Cardin bago magpalabas ng statement na nagba-ban sa pagbebenta ng armas sa uniformed personnel ng bansa.
Idinagdag ni Lacson na maaaring maapektuhan ang implementasyon ng Capability Enhancement Program (CEP) ng PNP dahil sa desisyon ng US pero maaari namang bumili ng armas sa ibang teritoryo.
Inihalimbawa ni Lacson ang Taiwan na tumigil na sa pagbili ng armas sa Amerika at kumukuha na ng kanilang standard 9mm pistols mula sa Germany na mas mahusay umano at mas tama sa kanilang pangangailangan.
Bukod sa Taiwan maaari aniyang bumili ng armas sa Israel, Belgium at maging sa Russia o China.