MANILA, Philippines - Dinudumog ng publiko na karamihan ay mga kabataan ang puntod ni yumaong Senadora Miriam Defensor-Santiago sa Loyola Memorial Park, Marikina City ngayong Araw ng mga Patay.
Katabi ng puntod ng Senadora ang namayapang anak na si Alexander Robert Santiago.
Karamihan sa nagpupunta sa libingan ni Santiago ay nagtitirik ng kandila, nag-aalay ng bulaklak at nagpa-papicture o nagse-selfie sa tabi mismo ng nitso ng dating senadora.
Magugunita na noong kampanya para sa 2016 presidential elections ay mga kabataan ang maraming tagasuporta ni Santiago sa kanyang presidential bids.
Namatay ang Senadora noong Setyembre 29, 2016 dahil sa sakit na lung cancer.
Kabilang sa kilalang artista na nakalibing sa Loyola Memorial Park ay sina Nida Blanca, Julie Vega, Mina Aragon, Jon Hernandez, Jay Ilagan, German Moreno, Johnny Delgado at music icon na si Francis Magalona.
Habang ang mga politiko bukod kay Santiago na sina dating Senadora Gil Puyat at Ernesto Maceda ay doon din nakahimlay.
Inaasahan ng pamunuan ng Loloya Memorial Park na ngayong araw ay mapupuno ang nasabing sementeryo.