MANILA, Philippines – Apat pang miyembro ng Maute terrorist group na sangkot sa madugong Davao City bombing noong Setyembre 2 ang nasakote ng pinagsanib na elemento ng Philippine Army at PNP sa magkakahiwalay na operasyon nitong Sabado ng madaling araw sa Cotabato City.
Kinilala ni Army spokesman Col. Benjamin Hao ang mga suspek na sina Mohammad Lalaog Chenikandiyil alyas Datu Boi, Jackson Mangulamas Usi alyas Abu Mansor, Jam Zack Villanueva Lopez alyas Haron at Ansan Abdula Mamasapano alyas Abu Hamsa na pawang miyembro ng Dawla Islamiya Fi Cotobato-Maute Group.
Ayon kay Hao, nahuli ang mga suspek base sa ibinigay na impormasyon ng tatlong kasamahan ng mga ito na una nang nasakote noong Oktubre 5.
Naaresto ang mga suspek sa magkakahiwalay na operasyon sa compound ng Southern Philippine Development Authority (SPDA) sa Bgy. Tamontaka at Ilang-ilang St., Bgy. Rosary Heights 7, Cotabato City dakong 2:40 ng madaling araw.
Narekober sa mga ito ang isang cal. 45 pistol na may buradong serial number at puno ng mga bala, isang cal .38 pistol na may anim na rounds ng bala, limang rounds ng bala ng cal. 38, isang piraso ng magazine ng cal 5.56 MM, tatlong piraso ng 60 mm mortar improvised explosive devices, isang piraso ng 105 mm howitzer improvise explosive device at isang hand grenade.
Una nang nasakote sa checkpoint sa Cotabato ng mga elemento ng Philippine Army at ng pulisya ang tatlong teroristang kasamahan ng mga suspek na sina TJ Tagadaya Macabalang, Wendel Factural at Musaili Mustapha na nakumpiskahan ng mga ebidensya na sangkot ang mga ito sa Davao City bombing kabilang ang video ng pambobomba. Nasa 15 katao ang namatay sa insidente habang mahigit 70 pa ang nasugatan.?