MANILA, Philippines - Nakatakdang ilunsad ng isang buwang joint military war games sa Palawan ang Special Forces ng Phil. Army at United States Army na magsisimula sa susunod na buwan.
Ito’y sa kabila ng maanghang na patutsada ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi na niya nais ng anumang joint military exercises sa pagitan ng tropang Pinoy at ng counterpart nito sa US forces.
Ayon kay Col. Benjamin Hao, spokesman ng Philippine Army, ang PH-United States Exercise Balance Piston 16-4 ay gaganapin sa Marine training facility sa Puerto Princesa City, Palawan at sa isang kampo sa bayan ng Rizal, Palawan.
Sinabi ni Hao na ang pagsasanay ay base sa taunang programa na plinano noon pang isang taon.
“The training exercise focuses on enhancing the war fighting capabilities and interoperability of both the Philippine Army’s Special Operations Command (SOCOM) and the US Special Operations Forces,” pahayag pa ni Hao.
Magsisimula na sa kalagitnaan ng Nobyembre at magtatapos sa Disyembre ang Balance Piston 16-4 na lalahukan ng US Special Operations Forces at isang company size ng Philippine Army Special Forces.
“Since it is an annual training activity, the Philippine Army continues its preparations unless another order is issued by the higher headquarters,” ayon pa sa opisyal.
Magugunita na una nang sinabi ni Pangulong Duterte na ang isinagawang Philippine Amphibious Landing Exercise (PHIBLEX 33) noong Oktubre 4-12 ay ang huling war games ng tropang Pinoy sa counterpart ng mga itong sundalong Amerikano.
Ipinaliwanag naman ng opisyal na ang taunang exercises sa pagitan ng AFP at US forces ay isang taong pinaplano bago ito isagawa.