MANILA, Philippines – Dahil sa sunod-sunod na aberya, ipinapabawi ng isang kongresista sa gobyerno ang kontratang pinasok ng Metro Rail Transit Corporation (MRTC).
Ayon kay Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, daig pa ng MRT3 ang “Train to Busan” dahil sa ginagatasan na nito ang publiko at ang gobyerno subalit wala namang napapalang magandang serbisyo.
Nagbabayad umano ng P75 hanggang P100 bilyong dolyar ang gobyerno para sa Equity Rental Payments na siya namang binawi sa publiko matapos na magtaas ng pasahe sa tren.
Tatagal ng hanggang taong 2025 ang pagbabayad na ito base na rin sa Build-Lease-Transfer (BLT) agreement na pinasok ng pamahalaan sa MRTC.
Isinisisi naman ni Zarate kay dating DOTC Sec. Jun Abaya ang pagpapabaya sa pagpasok sa naturang kasunduan na ang mga karaniwang mamamayan naman umano ang pumapasan.
“Virtually, para talagang sinasagasaan na tayo dito. Bulok-bulok na nga ang serbisyo tapos sinisingil pa tayo ng napakataas. Dapat na talagang ibasura ang BLT agreement na ito,” ayon pa kay Zarate
Ang pahayag ng kongresista ay bunsod sa nagkaaberya na naman kahapon ang riles ng MRT kung saan ang mga pasahero sa North Avenue station ay pinapunta pa sa susunod na istasyon para doon na lang sumakay dahilan para magalit ang mga mananakay.