MANILA, Philippines - Ibinasura ng Court of Appeals ang kahilingan ng high-profile inmate na si Herbert Colanggo na makapagpiyansa sa kasong robbery na nakasampa ng Parañaque Regional Trial Court Branch 194.
Si Colanggo na isa tinaguriang ‘Bilibid 19’ ay humihirit ng pansamantalang kalayaan dahil hindi umano matibay ang ebidensya laban sa kanya at bilang pagsasaalang-alang na rin sa lumalalang kundisyon ng kanyang kalusugan.
Hindi raw kasi gumagaling ang kanyang idinadaing na sakit sa likod, pananakit at pamamanhid ng ibabang bahagi ng kanyang katawan at may problema rin siya sa pag-ihi.
Ginawa pang argumento sa petisyon ni Colanggo ang pagpayag ng Korte Suprema na makapagpiyansa si Senador Juan Ponce Enrile na akusado sa kasong pandarambong bunsod ng kanyang kalusugan.
Pero sa resolusyon ng Court of Appeals fifth division na isinulat ni Associate Justice Jose Reyes, walang merito ang petition for bail ni Colanggo dahil siya ay nahatulang mabilanggo ng reclusion perpetua o pagkakulong na mula 20-taon at isang araw hanggang 40- taon.
Sa ilalim umano ng Revised Rules of Criminal Procedure, kapag ang hatol sa isang akusado ay pagkabilanggo na higit anim na taon, hindi papayagan ang akusado na makapagpiyansa.
Hindi rin umano maaaring ikumpara kay Colanggo ang kaso ni Enrile dahil ang dating senador ay hindi pa naman nahahatulan.