MANILA, Philippines – Umaabot na sa 19 katao ang nasawi sa nagdaang pananalasa ng supertyphoon Lawin, dalawa ang nasugatan at dalawa ang nawawala sa Northern Luzon, ayon sa pinagsamang ulat ng mga opisyal kahapon.
Sa report ng Cordillera Police at Regional Office of Civil Defense (OCD), mayorya sa mga nasawi ay mula sa kanilang rehiyon na umaabot sa 13 katao, isa ang napaulat na nawawala at dalawa naman ang nasugatan.
Sa lalawigan ng Cagayan, sinabi naman ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Ricardo Jalad na nakatanggap sila ng ulat na apat ang nasawi sa Cagayan at isa pa ang nawawala.
Gayunman, sa 13 iniulat na nasawi mula sa Cordillera ay walo pa lamang ayon sa opisyal ng kanilang kinukumpirma dahil naisyuhan na ang mga ito ang Death Certificate ng Department of Health (DOH) na sanhi ng bagyo ang kamatayan.