Sa pagkalas ng Pinas sa US Kaibigan nilaglag ni Digong

MANILA, Philippines - Ikinumpara kahapon ng ilang senador ang pagtatapos ng relasyon ng Pilipinas at Amerika sa pang-iiwan sa isang dating kaibigan.

 Ayon kay Sen. Ralph Recto, dapat maging balanse ang foreign policy at hindi dapat basta iniiwan ang isang dating kaibigan dahil lamang sa mga bagong manliligaw o ‘suitors’.

Sinabi pa ni Recto na sa diplomasya, mas napapaboran ang national interest sa pamamagitan ng pakikipagkaibigan sa lahat at hindi pag-iitsapuwera kahit kanino.

Pinayuhan pa ni Rec­to si Pangulong Rodrigo Duterte na maaring magamit nito ang ilang pointers mula sa kanyang Facebook team.

Hindi aniya kaila­ngang i-unfriend ang isang tao para lamang makipagkaibigan sa isa pa. Maaari naman niyang pansamantala itong i-unfollow.

“You need not unfriend someone to befriend another. If you don’t like him at the moment, you can unfollow him without unfriending or blocking him so that you retain the option to follow him again,” ani Recto.

Samantala, sinabi naman ni Senator Leila de Lima na kapag naghanap ka ng kaibigan, hindi mo hinaha­nap ‘yong mayaman, yong pauutangin ka o maraming toy guns na ipahihiram sa iyo.

Mas dapat umanong tingnan kung tatratuhin ka nitong mabuti bilang tao o kaya ay nakahanda itong ipagtanggol ka.

Nilinaw ni de Lima na hindi naman niya sinasabing hindi kaya ng China at Russia na irespeto ang karapatang pantao ng mga mamamayan ng Pilipinas pero dapat aniyang tingnan ang katotohanan at realidad.

Kung limitado aniya ang inaasahan ng mga mamamayan sa dala­wang nabanggit na bansa kaugnay sa pagrespeto sa kanilang karapatang pantao, labor law protections at kalayaan mula sa paninikil ng kanilang gobyerno hindi rin dapat umasa ang mga Pilipino na mas magiging makakaangat sila.

Show comments