Bongbong baka maging bagong VP - Digong
MANILA, Philippines - Iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Filipino community sa Beijing, China na baka magkaroon ng bagong bise-presidente ang Pilipinas kapag nanalo si dating Sen. Bongbong Marcos sa kanyang electoral protest.
Kasama ng Pangulo si Bongbong at kanyang kapatid na si Ilocos Norte Gov. Imee Marcos sa 4-day state visit nito sa China.
“Si Bongbong…Kung manalo siya sa protest niya baka bago ang ating bise-presidente,” wika pa ni Pangulong Duterte ng ipakilala si Bongbong sa Filipino community kamakalawa ng gabi.
May nakahain na electoral protest si Marcos laban kay Vice-President Leni Robredo sa Presidential Electoral Tribunal (PET) dahil sa maliit na kalamangan lamang ni Robredo kay Marcos.
Matagal nang kaibigan ni Duterte ang pamilya Marcos at kasama si Gov. Marcos sa iilang gobernador na sumuporta kay Digong noong tumakbo itong pangulo.
Ayaw namang bigyan ng kahulugan ni Marcos ang pagbibiro ni Pangulong Duterte bagkus ay nagpasalamat ito dahil sa kaibigan niya ang Pangulo.
- Latest