MANILA, Philippines - Bunsod ng walang puknat na pag-ulan sa Northern Luzon, oras-oras nang bubuksan ang gate sa San Roque Dam sa Pangasinan para magpakawala ng tubig bunsod ng pagtaas ng water level dito sa kasagsagan ng paghagupit ng bagyong Lawin doon.
Ayon kay Engr. Virgilio Garcia, field officer ng San Roque Dam, mula alas-10:00 ng umaga kahapon ay oras-oras na binubuksan nila ang anim na gates ng naturang dam upang matiyak na hindi mag-ooverflow ang tubig na posibleng magdulot ng mas matinding baha kung hindi ito gagawin.
May apat na drum anya ng tubig ang napapakawalan sa kada segundo.
Inihayag ni Garcia na bagamat kaunting pag-ulan na lamang ang nararanasan sa probinsya kahapon dahil sa paghina ni Lawin, sinasalo rin ng San Roque dam ang tubig mula sa mga kabundukan malapit sa dam at maging sa Ambuklao at Binga dam na nagpapataas ng water level dito.
Ang San Roque dam ay naging kontrobersyal noong 2009 dahil sa biglaang pagpapakawala ng tubig na nagdulot ng pagbaha sa maraming lugar sa paanan ng dam sa Pangasinan.