MANILA, Philippines – Lima sa 12 inmates mula sa National Bilibid Prisons (NBP) na tumestigo laban kay Sen. Leila de Lima ang mayroong aplikasyon para sa pardon o Executive Clemency.
Ito ang ibinulgar ni Magdalo partylist Rep. Gary Alejano matapos na sagutin ng Bureau of Corrections (Bucor) ang kanyang liham na nagtatanong kung may aplikasyon ang mga inmate witnesses para makalaya.
Paliwanag ni Alejano, bago pa man tumestigo ang limang inmates ay matagal ng nakahain ang application for Pardon o Executive Clemency nila.
Kabilang sa limang inmates sina Engelberto Durano, Nonilo Arile, Jaime Patcho, Jojo Baligaf at Vicente Sy.
Giit ng kongresista, kailangang bantayan ito dahil maaaring gamiting reward ang pagpapalaya sa lima kapalit ng pagtestigo laban kay de Lima.?Malaki rin ang paniwala ni Alejano na polluted witnesses ang mga saksi sa NBP drug trade investigation.
Para naman kay House Committee on Justice chairman Reynaldo Umali na “unaware” sila sa nasabing isyu at nasa Department of Justice na ang desisyon kung bibigyan ang mga inmates ng pardon o Executice Clemency.