MANILA, Philippines - Susundin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang anumang maging desisyon ng Korte Suprema kaugnay sa paglilibing ni dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani, ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella.
Sinabi ni Usec. Abella sa media briefing kahapon sa Malacañang, rerespetuhin ni Pangulong Duterte ang magiging desisyon ng High Tribunal kaugnay sa petisyon sa burial ni Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Mismong si Pangulong Duterte ang nagsabi sa kanyang departure statement bago tumulak patungong Brunei noong Linggo na igagalang nito at susundin ang anumang maging desisyon ng Supreme Court kaugnay sa Marcos burial
Samantala, ipinakita ng mga Marcos loyalist ang kanilang suporta nang magsagawa ng prayer rally kahapon sa harap ng Korte Suprema para umano ilibing na sa Libingan ng mga Bayani si dating Pangulong Marcos.
Pinangunahan kahapon ni Ilocos Governor Imee Marcos kasama ng kanyang mga tagasuporta na umabot sa 1,000 at nakasuot ng kulay pulang damit at panyo sa ulo na may tatak na larawan ng Marcos.
Ngayong araw ay mag-eexpire o magtatapos na ang bisa ng ‘Status Quo Ante Order’ na inisyu ng Supreme Court kaugnay sa usapin kung papayagan ba o hindi ang paghihimlay kay Marcos sa nasabing libingan.
Magugunitang idinaan pa sa oral arguments sa korte suprema ang usapin at matapos ang serye ng talakayan o argumento ay nagpalabas ng 20 days extension nuong September 7 ang mga mahistrado para palawigin ang status quo ante order at ito nga ay mag-eexpire ngayon.