Speaker Alvarez ikinahiya ang asal ng 2 kongresista

MANILA, Philippines - Ikinahiya ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang naging asal nina Reps. Robert Ace Barbers (Surigao del Norte) at Prospero Pichay (Surigao del Sur) sa hearing ng Kamara kamakalawa kung saan muntik ng magsuntukan ang dalawa dahil sa usapin ng charter change (CHACHA).
Sinabi ni Alvarez na bagamat hindi naman masasabing na-damage ang institusyon dahil sa nangyari ay negatibo pa rin ang epekto nito dahil hindi magandang panoorin ang ganitong mga eksena ng mga miyembro ng Kamara.
Iginiit pa ng Speaker na hindi na ito dapat pang maulit ang nangyari habang wala naman siyang balak kausapin sina Barbers at Pichay dahil katwiran niya matatanda na ang dalawa para maintindihan ang ginawa nila.
Sa kabila nito, magkahiwalay namang kakausapin ni Majority leader Rodolfo Farinas ang dalawang kongresista para alamin kung ano-ano ang kanilang mga sentemyento at saka susubukan silang pagbatiin para hindi na humantong pa sa Ethics Committee ang usapin.
Subalit nilinaw ni Fariñas na karapatan pa rin ni Pichay kung nais niyang ireklamo si Barbers.
Sa kabila nito, handa naman ang majority leader na humingi ng paumanhin sa publiko lalo pa at parehong miyembro ng supermajority ang dalawa.
Sa pahayag naman ni Barbers, sinabi nito na handa siyang magpasakop kay Alvarez at Fariñas para maresolba sa mapayapang paraan ang nakakahiyang insidente at handa rin siya na tanggapin ang kamalian kasabay ng paghingi ng public apology at sa mga miyembro ng Kamara.
Nauna ng nagbanta si Pichay na irereklamo sa Ethics. committee si Barbers matapos na magkainitan at muntik na magsuntukan ang dalawa sa gitna ng hearing kaugnay sa isyu ng Chacha.
- Latest