MANILA, Philippines - Muling nagkasagutan kahapon sina Senators Richard Gordon at Leila de Lima sa ika-anim na pagdinig ng Senate committee on justice and human rights tungkol sa extrajudicial killings (EJK).
Nagsimula ang sagutan ng dalawa matapos maghain ng mosyon si de Lima na pahintulutan si Commission on Human Rights Chair Chito Gascon na magsalita tungkol sa pagtawag ni CHR Commissioner Roberto Eugenio Cadiz Jr. ng “coward” o duwag kay Gordon dahil sa naunang desisyon nito na ihinto na muna ang pagdinig sa EJK.
Nagmosyon din si de Lima na ipagpaliban ng komite ang pagtalakay sa panukalang pagbabalik ng parusang kamatayan dahil dapat umanong nagpalabas muna ng notice ang komite kaugnay sa gagawing pagtalakay sa panukala.
Sinabi rin ni de Lima na tama lamang na bigyan ng pagkakataon ang CHR na magpalabas ng paliwanag dahil nakahanda naman ang kanilang mga testigo at ang ilan sa kanila ay nanggaling pa sa probinsiya
“It is but just fair, just, and right, that we give the chair the chance to make a statement to explain the side of the CHR because the CHR witnesses have been ready, waiting since day one of this ongoing hearing. Some of them come from the province,” pahayag ni De Lima.
Ayon kay Gordon hindi siya kokontra sa gusto ni de Lima pero dapat aniyang dalhin ni de Lima ang usapin sa plenaryo kung saan unang tinalakay ni Gordon ang pagtuligsa sa kanya ni Cadiz.
Sinabi rin ni Gordon na nagkausap na sila ni Gascon at humingi na ito ng paumanhin sa kanya tungkol sa naging pahayag ni Cadiz.
Iginiit ni de Lima ang una niyang mosyon pero walang nagbigay ng pangalawang mosyon o sumuporta dito kaya na-overruled ito pati ang ikalawang mosyon nito.
Sinabihan rin ni Gordon si de Lima na hindi nito maaring kontrolin ang komite at ayaw niya ng anumang ‘distraction’.
Pero napuna ni Sen. Panfilo Lacson na isang set lamang ng mga resource persons ang naimbita sa pagdinig na pawang mga taga-law enforcement sector.
Inamin rin ni National Bureau of Investigation Dante Gierran na wala silang natanggap na notice tungkol sa panukalang death penalty kaya hindi sila handa.
Humingi ng paumanhin si Gordon sa mga resource persons na hindi sila napadalhan ng notice ng secretary kaya nagdesisyon itong ipagpatuloy na lamang ang pagdinig tungkol sa extrajudicial killings.