Philippines-US relations di puputulin ni Duterte

MANILA, Philippines – Ikinagalak kahapon ng Armed Forces of the Phi­lippines ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya puputulin ang alyansa ng Pilipinas at Amerika

Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Edgard Arevalo, malaking bagay ang alyansa ng dalawang puwersa ng militar ng Pilipinas at Amerika para sa kapakanan ng mga sundalo at mga mamamayan.

Sinabi ni Arevalo na ipauubaya na nila sa mga lider ng bansa ang anumang polisiya sa relas­yon ng Pilipinas at ng Amerika na mahigit 70 taon na ang matatag na samahan sa ilalim ng Mutual Defense Treaty (MDT).

Inihayag ni Arevalo na mananatili ang buong suporta ng AFP kay Pangulong Duterte bilang Commander in Chief ng mga sundalo.

“These are policy pronouncements and we leave (their formulation to our politicians and national leaders) as the AFP’s role as a professional organization is for us to go where, and to do what our orders say,” ani Arevalo.

Una nang nagbanta si Pangulong Duterte na puputulin ang matagal ng alyansa sa Estados Unidos sa kabila ng pangangaila­ngan ng bansa sa malalakas na armas pandigma at mga kagamitan.

Kaugnay nito, inihayag pa ni Arevalo na patuloy ang pagpapatrulya ng AFP sa 200 nautical miles Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa bilang reaksyon sa sinabi ni Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio na hindi dapat limitahan ng mga sundalo ang pagpapatrulya sa teritoryo ng karagatan ng bansa.

Inihayag ni Arevalo na isinasagawa ng tropa ng mga sundalo ang routine sovereignty patrols sa EEZ para protektahan ang maritime interest ng bansa kabilang ang Malampaya Oil platform facility sa Palawan na nagsu-suplay ng enerhiya sa Luzon.

Show comments