MANILA, Philippines – Tahasang sinabi ni Health Secretary Paulyn Jean Ubial na ang “compassionate use” ng marijuana ay pinayagan ng Food and Drug Administration (FDA).
Sinabi ni Sec. Ubial, pinapayagan naman ng batas ang paggamit ng marijuana subalit kailangan ang special permit mula sa FDA.
Nilinaw ni Sec. Ubial na umaabot sa may 400 kemikal ang marijuana at isa lamang dito ang may health benefits ang cannabidiol (CBD).
Ayon kay Ubial, may nakahain ng panukala sa Senado at House of Representatives para gawing legal ang cannabis.
“Sinasabi po namin to the groups that want to make it or use it for medical purposes, meron po tayong parang way in our law, FDA law for humanitarian or for special cases so they can ask exemptions from the FDA if they are going to use marijuana for medical purposes,” ani Ubial.
Sa kanya ring pagkakaalam ay may mga doktor na nagrerekomenda sa kanilang pasyente ng paggamit ng marijuana subalit wala naman umanong natatanggap na applications para sa special permit ang FDA para dito.
Ang komento ni Ubial ay bunsod naman ng pahayag ng aktor na si Mark Anthony Fernandez na gumagamit ng marijuana upang maiwasang magka-kanser.
Bahala na umano ang Dangerous Drugs Board (DBB) na mag-assess sa dami ng marijuana na nakumpiska sa aktor.
Pinapayagan ang marijuana sa ilang bansa tulad ng Colombia, Costa Rica, at Mexico.