MANILA, Philippines - Maging ang mga senador na ilang beses na kabangga o naka-word war ni Senator Miriam Defensor-Santiago ay nagpahayag rin kahapon ng kalungkutan sa pagpanaw ng senadora.
Ayon kay dating Senate President Juan Ponce Enrile na palaging nakakabangga ni Santiago sa Senado, nalulungkot rin siya at hindi siya nagtatanim ng sama ng loob kahit na kanino.
Ayon pa kay Enrile, inaanak niya sa kasal sina Santiago at asawa nitong si Atty. Jun Santiago.
Sinabi pa ni Enrile na “very articulate” si Santiago at hayaan na lamang ang mga historians na isulat ang mga nagawa nito sa bansa.
Matatandaan na inakusahan ni Santiago si Enrile na ito umano ang mastermind ng P10 bilyong pork barrel scam at ito rin umano ang financier ng Zamboanga City siege. Sa isang privilege speech, pinabulaanan ni Enrile ang mga akusasyon ni Santiago at kinuwestiyon pa ang integridad at mental health ng senadora.
Nakabanggaan rin ni Santiago si Sen. Panfilo “Ping” Lacson na tahasang tinawag ng senadora na “Pinky Lacson”. Nagbanta pa noon ang senadora na ibubunyag umano ang totoong sexuality ng senador at tinawag din niya itong “attack dog” umano ni Enrile.
Nag-ugat ang sagutan ng dalawa ng ibunyag ni Lacson na ginagamit umano ng senadora ang pondo ng Senado sa pagbabayad ng renta ng kaniyang extended office. Pero nagpahayag din ng kalungkutan si Lacson sa pagpanaw ng senadora kahit pa umano hindi sila naging best friends sa Senado.
Nagpaabot din ng pakikiramay si Justice Secretary Vitaliano Aguirre sa pamilya ni Sen. Santiago.
Matatandaang sina Santiago at Aguirre ay may hindi pagkakaunawaan nuong panahon ng impeachment proceedings ni dating Chief Justice Corona.
Habang sinesermunan nuon ni Santiago ang prosekusyon ay nagtakip ng tenga si Aguirre dahilan para hilingin ni Santiago na siya ay mapatawan ng contempt.
Sinabi Aguirre na nawalan ang bansa ng isang masigasig at pursigidong pinuno at public servant na may mahusay na kaisipan.
Magkagayunman, pinanghihinayangan umano niya kung bakit hindi siya nagkaroon ng pagkakataon na makipag-ayos sa Senador kaugnay ng insidente sa impeachment trial nuong February 29, 2012.
Sinabi pa ni Aguirre na marami siyang gustong ipagpasalamat kay Santiago sa nangyari sa kanyang buhay matapos ang hindi niya malilimutang insidente sa impeachment proceedings ni Corona.