MANILA, Philippines – Binalaan ng isang kongresista na miyembro ng Liberal Party (LP) ang administrasyong Duterte na huwag idamay si dating Pangulong Noynoy Aquino sa kalakaran ng iligal na droga sa National Bilibid Prison (NBP).
Sinabi ni Ifugao Rep. Teddy Baguilat, na dapat magdahan-dahan ang administrasyon na kapag dinamay si Aquino ay hindi na nila alam kung ano ang mangyayari bagamat hindi naman nito masabi kung ano ang mga biglang pagbabago.
Paliwanag pa ni Baguilat, hindi lang ang ilang mambabatas mula sa LP ang posibleng isangkot kundi maging ang malalapit sa dating pangulo at sa mga opisyal nito.
Sa ngayon umano ay hindi niya alam kung ano ang magiging reaksyon ng mga kasamahan maliban sa kanila na ang nasa isip ay tahimik lang muna.
Ang reaksyon ni Baguilat ay kaugnay sa pahayag ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na may mas mataas pa kay de Lima na nakinabang mula sa iligal na kalakaran ng droga sa Bilibid.
Samantala, tikom naman ang bibig ng Malacanang sa banta ni Baguilat.
“I would rather not react to those comments because we know that the relationship of the executive and Sen. Leila de Lima is sensitive,” ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar.
Hindi din makapagbigay ng komento si Andanar nang tanungin kung umaasa ba sila na may mas mataas pa kay de Lima ang posibleng masangkot.
“I don’t really know what the plans of Congress [are]. I also do not know the plans of DOJ (Department of Justice) Secretary (Vitaliano) Aguirre. But he (Aguirre) did mention that he has some aces up his sleeve,” paliwanag ni Andanar.
Magugunita na noong nakaraang linggo ay nagpahiwatig si Justice Sec. Aguirre na mayroong miyembro ng “dilawan” na mas mataas kay de Lima ang nakinabang sa Bilibid drug money.