Nuclear power plant sa Bataan, ininspeksyon ng senators
MORONG, Bataan, Philippines - Sa gitna ng posibilidad na pagbubukas ng Bataan Nuclear Power Plant bilang solusyon sa mataas na presyo ng kuryente sa bansa, nagsagawa na kahapon ng inspeksiyon ang Senate committee on Energy na pinamumunuan ni Senator Win Gatchalian.
Kasama ni Gatchalian na nagtungo sa BNPP sina Senators Joseph Victor “JV” Ejercito at Nancy Binay.
Pero naging malamig ang posisyon ni Gatchalian na buksan ang NBPP dahil sa isyu ng korupsyon noong itayo ito at maging sa isyu ng kaligtasan.
Naniniwala si Gatchalian na mas makakabuting magtayo na lamang ng bagong nuclear power plant kaysa sa muling paganahin ang NBPP.
“Forty years old na itong planta. Pangalawa maraming nang mas bago at modernong planta at pangatlo kulang tayo sa expertise,” pahayag ni Gatchalian.
Pero pabor naman si Ejercito sa muling pagbubukas ng BNPP lalo pa’t naging maayos naman ang maintenance nito simula ng itayo ang planta.
“Nanghihinayang ako sa $2B property or assets owned by the Filipino people, owned by the taxpayers na bayaran na natin since 2007 bakit hindi natin gamitin,” ani Ejercito.
Ayon pa kay Ejercito, marami ng malalaking negosyo ang umalis sa bansa dahil sa taas ng presyo ng kuryente at lumilipat sa mga bansa na may nuclear plants dahil mas mura ang kuryente doon katulad ng China at iba pang bansa sa Asya.
Naniniwala naman si Binay na dapat pag-aralang mabuti ang panukalang muling buksan ang NBPP lalo pa’t ang layunin ay mapababa ang presyo ng kuryente sa bansa.
Ipinaliwanag naman ni dating Pangasinan Rep. Mark Cojuangco na sumusuporta sa pagbubukas ng NBPP na hindi delikado sa kalusugan ang nuclear power plant at sobrang malaki ang ibababa ng presyo ng kuryente sa bansa kapag nabuksan ang NBPP.
Mangangailangan ng $1 bilyon para sa rehabilitasyon ng NBPP samantalang $6 bilyon naman para makapagtayo ng bagong nuclear power plant.
- Latest