MANILA, Philippines - Kulang na lang magsuntukan sina Senators Alan Peter Cayetano at Antonio Trillanes IV nang magkainitan kahapon sa pagdinig ng Senate committee on justice tungkol sa extra-judicial killings.
Kinuwestiyon ni Trillanes, miyembro ng komite kung “unli” o wala bang limit ang pagtatanong ni Cayetano kahit pa hindi ito bahagi o miyembro ng komite.
“I would just like to inquire if there is unli-questioning allotted for a non-member of the committee, madam chair?” tanong ni Trillanes kay Senator Leila De Lima, chairman ng komite.
Hindi naman nagustuhan ni Cayetano ang ginawang pagputol ni Trillanes sa kanyang pagtatanong sa testigo na si Edgar Matobato na umamin na kasapi ng Davao Death Squad (DDS) sanhi ng kanilang pagtatalo.
Dahil patuloy ang sagutan nina Cayetano at Trillanes, sinuspinde ni De Lima ng dalawang minuto ang pagdinig pero nang mag-resume ay muling ipinagpatuloy ng una ang pagtatanong sa testigo.
Iginiit ni Trillanes na dapat i-deklarang out of order ni De Lima si Cayetano dahil sa haba ng pagtatanong nito gayong hindi naman siya miyembro ng komite.
“Hindi kita papopormahin!” pahayag Trillanes kay Cayetano.
Umawat naman si De Lima at pinayagan na muling magtanong kay Matobato si Cayetano matapos lumipat ng upuan na malayo kay Trillanes.
Samantala, tinanggihan ni Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III na mailagay sa kustodya ng Senado ang testigo ng Senate committee on justice and human rights na si Matobato.
Sa isang text message na ipinadala ni Senator Antonio Trillanes IV, ipinaalam nito na tinanggihan ni Pimentel ang kahilingan ng komite na kanlungin ng Senado si Matobato.
Ayon naman kay Senator Panfilo “Ping” Lacson, nasa kamay na ng mga handlers ni Matobato ang kanyang seguridad.