MANILA, Philippines – Nilinaw kahapon ni Senator Franklin Drilon na walang binabalak ang Liberal Party (LP) na patalsikin sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ginawa ni Drilon ang pahayag matapos matanong tungkol sa sinabi ng Pangulo na balak ng mga “yellows” na patalsikin siya sa puwesto kung saan gagamitin umano ang isyu ng human rights violations.
Ang “yellow” ang kilalang political color ng LP na kinabibilangan ni Drilon.
“Hindi po sinabi ng pangulo kung sino yung mga yellow. But on the part of the Liberal Party, wala po kaming binabalak na ganon. We have not met on this and we deny that we are part of such plot if indeed such plot exists. The Liberal Party has nothing to do with it,” paglilinaw ni Drilon.
Samantala, pinabulaanan ni dating House Speaker at Quezon City Rep. Feliciano Belmonte na “trojan horse” ang mga LP congressmen sa super majority at wala rin silang balak ipa-impeach si Duterte.
Paliwanag ni Belmonte, vice chairman ng LP at isa sa 28 sa kabuuang 33 miyembro ng kanilang partido na kasapi sa super majority sa pangunguna ni Speaker Pantaleon Alvarez, walang basehan ang akusasyon ni Duterte na ginagamit ng LP ang laban sa droga para sirain ang kanyang imahe at maghain ng impeachement laban sa kanya.