Legal process sa Pinas rerespetuhin
MANILA, Philippines – Kumambyo na kahapon si Indonesian President Joko Widodo matapos na magpaliwanag si Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte sa mamamayang Pilipino na wala siyang ibinibigay na “go signal” na bitayin na ang overseas Filipino worker na si Mary Jane “MJ” Veloso sa Indonesia.
Sa ulat ng Jakarta Globe, iginiit ni Widodo na wala munang magaganap na pagbitay kay Veloso at sinabing nirerespeto ng Indonesia ang ongoing trial sa kasong human trafficking sa Pilipinas na may kaugnayan kay Veloso na nakatakdang magbigay ng testimonya.
“We respect the legal process going on in the Philippines. They’ve still got some work to do there,” pahayag ni Widodo sa mga reporters sa Tanjung Priok Port sa North Jakarta kahapon ng hapon.
Ang tinutukoy ni Widodo ay ang paggulong ng kaso ni MJ, 31, laban sa kanyang recruiter na si Maria Kristina Sergio na kinasuhan ng human trafficking sa Pilipinas.
Kapag napatunayan na biktima lamang si Veloso ng drug syndicate dahil sa pagpupuslit ng 2.6 kilong heroin ay magiging daan ito upang hilingin ng Pilipinas sa Indonesian government ang judicial review o “clemency” para sa nasabing Pinay.
Binigyang-diin ni Widodo na seryoso si Pangulong Duterte sa anti-drug campaign nito at sinabi sa kanya sa kanilang pag-uusap na nirerespeto ng Phl president ang batas sa Indonesia.
“I’ve seen how serious President Duterte has been in fighting drug crimes. He has a zero-tolerance policy, that much is clear, and he also respects the legal process in Indonesia,” ayon kay Widodo.
Ang pahayag ni Widodo ay kasunod sa ginawang paglilinaw ni Pangulong Duterte na kailanman ay hindi siya nagbigay ng “green light” sa execution ni Veloso taliwas sa lumabas na report ng Jakarta Post.
Nilinaw kahapon ni Duterte na hindi tungkol sa kaso ni MJ ang pinag-uusapan nila ni Widodo nang sabihin niya dito na “go ahead and implement the law” kundi ang ipinatutupad nilang death penalty in general sa Indonesia.
Sa kanyang mensahe sa ika-48 taong anibersaryo ng 250th Presidential Airlift Wing sa Villamor Airbase, sinabi ng Pangulo na ang pinag-usapan nila ni Widodo ay tungkol sa piracy at terrorism at hindi sa kaso ni Mary Jane Veloso.
“I said, Mr. Pres. it’s good that you have a death penalty here, at least you can bring it down to the barest minimum. I said ‘go ahead’ and implement the law. We never mentioned about Veloso,” paliwanag pa ni Duterte sa pag-uusap nila ni Widodo sa kanyang 2-araw na working visit noong September 8-9 pagkagaling niya sa ASEAN Summit.