MANILA, Philippines – Idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte na regular holiday ang pagdiriwang ng Eid’l Adha sa darating na Lunes, Septyembre 12.
Ayon kay Executive Secretary Salvador Medialdea Jr., sa ilalim ng Proclamation 56 ni Pangulong Duterte, inirekomenda ng National Commission on Muslim Filipinos na gunitain ang Eid’l Adha sa buong bansa sa darating na Setyembre 12.
Wika pa ni Sec. Medialdea, batay sa Republic Act 9849 ay isang regular holiday ang pagdiriwang ng Eid’l Adha (feast of sacrifice) ng mga kapatid na Muslim sa buong bansa.
Aniya, ang Eid’l Adha ay isa sa mga “greatest feasts” ng Islam na ipinagdiriwang sa buong bansa, ang isa pa ay ang Eid’l Fitr.
Nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Proclamation 56 kamakalawa bago siya tumulak patungong Vientiane, Laos upang dumalo sa ASEAN Summit.