MANILA, Philippines - Muling nanawagan kahapon ni House Speaker Pantaleon Alvarez sa mga kapwa kongresista na dapat nang bawiin o ibalik ang mga tinaguriang ‘protocol plate’ o iyong mga plaka ng sasakyan na inisyu sa kanila na may numerong “8”.
Ayon kay Alvarez, nararapat lamang na huwag nang gumamit ng ‘protocol plate’ ang mga kongresista para maiwasan ang mga diumano’y pang-aabuso sa kalye tulad nang mga sasakyang sangkot sa illegal na gawain.
Sinasabing ang mga sasakyan ng ilang kongresista ay nagagamit ng kanilang pamilya para ihatid sa mga eskuwelahan ang kanilang mga anak, sa pamamalengke at ang iba naman ay nakikitang nakaparada sa mga night club.
Bukod dito, kamakailan ay ni-raid ng mga awtoridad ang lugar ng mga high-class prostitutes at nakita pa dito na gumagamit ng plakang 8 ang mga handler ng mga babaeng nagbebenta ng aliw sa kanilang mga mayayamang customers.
Naatasan ang House Secretary General na siyang mag-monitor kung sinu-sino sa mga kongresista ang magbabalik ng mga plakang 8.
Kamakailan, ay naglabas din ng opinyon si Navotas Rep. Toby Tiangco, na ipatigil na ang pagbibigay ng mga ‘protocol plate’ para magamit ng mga kongresista sa kanilang mga sasakyan dahil wala namang tulong aniya itong nagagawa para sa kanilang trabaho bilang mambabatas sa kani-kanilang mga constituents.
Noong panahon ni dating Pangulong Carlos Garcia inilabas ang mga protocol plates para magamit ng mga mambabatas.