MANILA, Philippines – Pinaalalahanan ng Food and Drug Administration ang publiko hinggil sa tamang paggamit ng mga household pesticide o pamatay ng lamok at insekto at anti-mosquito lotion.
Sa inilabas na consumer manual ng FDA, nakasaad na kapag bibili ng anumang mosquito repellent, siguraduhing aprubado ito ng ahensya, lalo’t maraming naglipanang produktong hindi naman umano FDA approved. Dapat sundin ang instructions kung paano gamitin ang insect spray, katol o lotion at kailangan ilayo ito sa pagkain at huwag bayaang maabot ng mga bata.
Ayon sa FDA, peligrosong manatili sa isang lugar na may nakabukas na katol o kung nag-spray ng insecticide.
Giit na kapag gagamit naman ng mosquito repellent lotion, dapat mag-skin test muna. Maglagay ng kaunting mosquito lotion sa braso o sa likod ng tenga at obserbahan muna kung magkakaroon ng reaksyon tulad ng rashes o pangangati. Hindi rin dapat maglagay ng naturang lotion sa mukha at pagkatapos magpahid ng insect repellent lotion ay kailangang maghugas ng kamay.