Bato pinaulanan ng mura ang ‘narco-cops’

Philippine National Police Chief Director General  Rolando “Bato” Dela Rosa. Philstar.com/AJ Bolando

MANILA, Philippines – Nag-almusal ng mura ang mga pulis na sumuko kay Philippine National Police (PNP) Chief Director General  Rolando “Bato” Dela Rosa ngayong Lunes ng umaga matapos madawit ang kanilang pangalan sa “narco-officials” na isiniwalat ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Nanggagalaiting kinausap ni Dela Rosa ang 32 opisyal na may ranggo mula Police Officer 1 hanggang Senior Superintendent nang makaharap sa multipurpose hall ng Camp Crame.

“This is the worst thing that can happen to everyone of us,” pahayag ng hepe ng PNP.

“Ang mahal niyo sarili niyo lamang kung paano magpayaman, p***** i** hindi ni’yo inisip kinabukasan ng Pilipinas,”dagdag niya.

Ibang-iba ang naging pakikutungo ni Dela Rosa sa mga pulis na umano’y sangkot sa ilegal na droga kumpara sa mga sumukong local officials na kinabibilangan ng ilang alkalde at bise alkalde.

Umabot pa sa puntong naghamon ang hepe ng PNP ng suntukan dahil sa galit at sa aniya’y kahihiyang dala ng kaniyang mga tauhan.

“Hahantong tayo sa puntong lahat ng tao siraulo dahil pulis mismo nagre-recyle ng droga, pulis mismo nag bebenta ng droga,” wika ni Dela Rosa.

“Hanggat ako ang chief ng PNP hindi ako papayag na kayong mga p***** i** ang makikinabang sa pera ng droga. Hinding hindi ako papayag.”

Show comments