Dagdag sahod ng mga sundalo ibibigay na sa Agosto

Kinausap ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga sundalo ng Philippine Army sa kanyang pagbisita sa Fort Ramon Magsaysay sa Palayan City, Nueva Ecija kahapon. Nangako ang Pangulo na ibibigay na sa mga sundalo ang kanilang dagdag sahod sa susunod na buwan. Krizjohn Rosales

FORT MAGSAYSAY, Laur, Nueva Ecija, Philippines – Nangako kahapon si Pangulong Rodrigo Duterte sa harap ng mga sundalo na simula sa susunod na buwan ay matatanggap na nila ang inaasam na umento ng kanilang sahod.

“Starting next month may increase na ang suweldo ng mga sundalo,” ayon sa Pangulo sa kanyang pagbisita sa Fort Ramon Magsaysay sa Palayan City kahapon.

 Bukod dito, nangako si Pangulong Duterte na poprotektahan ang mga sundalo  basta wala silang gagawing pang-aabuso sa kapangyarihan.

 Sinabi rin ng Pangulo sa mga miyembro ng Armed Forces of the Phils. (AFP) na nakahandang ibigay ng gobyerno ang kanilang pangangailangan upang makatupad sila sa tungkulin na protektahan ang taumbayan at ipagtanggol ang bansa.

“I will give you everything you need to carry out your mandate,” pahayag ng Pangulo sa mga sundalo dito kahapon.

“I cannot make you happy, but I assure you that I can make your life comfortable habang ako ang Pangulo,” dagdag pa ni Duterte.

Nilinaw pa ng Pangulo na hindi niya solong desisyon ang pagdedeklara ng “unilateral ceasefire” sa CPP-NPA-NDF dahil bunga ito ng konsultasyon sa ilang miyembro ng Gabinete. Nais lamang umano ng Pangulo sa liderato ng MNLF at MNLF na bago simulan ang peace talks ay dapat nilang siguruhin na wala na silang koneksyon sa Abu Sayyaf Group (ASG).

Magdadagdag ng 20,000 sundalo ang Pangulo upang lumaki ang puwersa ng AFP.

Show comments