MANILA, Philippines - Hindi na kailangan pang pumila ang mga overseas Filipino workers sa pag-aaplay ng kanilang pasaporte sa isang satellite office sa Robinson’s Galleria ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Ito ang magandang ibinalita kahapon ng DFA para sa mga OFWs na nagnanais na mag-renew ng kanilang passport sa Robinson’s Galleria.
“Hindi na po kayo kailangan pumila ng sobrang aga para makapag-renew ng passport,” ayon sa DFA.
Sinabi ng DFA NCR-Central sa Robinson’s Galleria, ang mga aplikanteng OFW ay inaabisuhan na pumunta sa nasabing opisina sa pagitan ng alas-8 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali.
Sinisiguro ng DFA NCR-Central sa Robinson’s Galleria na lahat ng aplikanteng OFW na may kumpletong dokumento at darating doon na hindi lalagpas sa alas-12 ng tanghali ay maipo-proseso ang passport sa araw ding iyon.
“Dahil sa sarado pa ang mall at magbubukas pa lang ng alas-10 ng umaga, at upang makaiwas ang mga aplikante sa ‘di kaukulang abala, muli naming ipinapaalala sa mga aplikante na sila ay aasikasuhin ng aming opisina basta’t nandoon na ang aplikante sa pagitan ng alas-otso hanggang alas-dose ng tanghali (8:00 AM to 12:00 NN),” dagdag ng DFA.
Sa mga may katanungan, maaaring makipag-ugnayan sa information counter ng DFA NCR-Central at tumawag sa telepono 631-0806 o mag-email sa: dfa.ncr.central@gmail.com.