MANILA, Philippines - Ikinakasa na ng pamahalaan ang pagsusulong ng ‘bilateral talks’ sa China at ibang claimants ng mga isla sa West Philippine Sea o South China Sea matapos ang inilabas na 501-pahinang ruling ng Permanent Court of Arbitration (PCA) na pumapabor sa maritime case ng Pilipinas kontra China.
Ayon kay Solictor General Jose Calida, isusulong ng pamahalaan ang “bilateral talks” o “diplomatic negotiations” sa China at sa iba pang claimants sa WPS matapos ang PCA ruling. Ito ay kasunod na rin ng pagmamatigas ng China na kilalanin ang desisyon ng arbitral tribunal.
Sinabi ni Calida na maingat nilang pinag-aaralan at hinihimay ang nasabing desisyon bago magbigay ng pinal na pahayag sa mga susunod na hakbang ng pamahalaan.
Aniya, hindi isusuko ng Pilipinas ang mga nalinawan na at napagdesisyunan ng PCA na pumabor at nagpataas ng kumpiyansa ng gobyerno kontra sa nine-dash line claim ng China sa South China Sea.
Sa 9-dash claim ng China, sinakop nito maging ang nasa 200 nautical miles exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas na lumalabag sa isinasaad ng Articles 286 at 287 ng 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at sa Article 1 ng Annex VII ng nasabing Convention kaugnay sa maritime jurisdiction at hindi pagpartisipa sa proceedings ng tribunal.
Sa unang ginanap na emergency meeting ng buong Gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte, isang oras matapos ang paglabas ng desisyon ng PCA nitong Martes, sinabi rin ni Budget Sec. Benjamin Diokno na ikinokonsidera ng Pangulo ang pagsasagawa ng “bilateral talks” sa China.
“Ang sabi niya (Duterte), we’ll start the bilateral talks and now we’re starting from a better position,” pahayag ni Sec. Diokno sa media briefing sa DBM office.
Sinabi ni Diokno na pinag-usapan sa pulong ang pagsusulong ng diplomatikong pakikipag-usap ng Pilipinas sa China. Aniya, nasa mas magandang posisyon ngayon ang Pilipinas matapos manalo sa PCA.
Sa desisyon, sinabi ng arbitral tribunal na walang basehan ang China sa pag-aangkin nito sa WPS at wala ring karapatang magsagawa ng reclamation sa lugar.
Sinabi pa ng tribunal na hindi dapat itaboy ng China ang mga mangingisda na tradisyunal nang nangingisda sa “common fishing grounds” sa Scarborough Shoal.
Kahapon, sinabi ng mga mangingisdang Pinoy sa Scarborough na walang pagbabago dahil itinataboy pa rin sila ng Chinese troops sa lugar sa kabila ng ruling ng tribunal na bigyang kalayaan ang mga mangingisda sa lugar.