MANILA, Philippines – Nagpahayag ng kahandaan ang pamahalaang China na ipagtanggol sa anumang pamamaraan ang kanilang teritoryo matapos nilang hindi kilalanin ang ruling ng United Nations-Permanent Court of Arbitration (PCA) na pumapabor sa Pilipinas kaugnay sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea o South China Sea.
Ayon kay Chinese Ambassador to the United States Cui Tianki, ang nasabing desisyon ng Arbitral Tribunal ay magpapalala sa iringan at komprontasyon sa pagitan ng mga bansang umaangkin sa mga isla at karagatan sa South China Sea.
“It will certainly intensify conflict and even confrontation,” ani Cui sa kanyang komento habang dumadalo sa Washingtons’ Center for Strategic and International Studies, ilang oras bago ang paglabas ng ruling ng PCA kung saan panalo ang Pilipinas sa maritime case nito laban sa China.
Agad namang kinontra ni Daniel Kritenbrink, White House policy director for Asia ang pahayag ng Chinese official at sinabing ang desisyon ng Arbitral Tribunal na nagbabasura sa legal na basehan ng China sa kanilang 9-dash line claim sa South China sea ay magbibigay ng mga hakbang tungo sa diplomasya sa nasabing rehiyon.
Sinabi ni Kritenbrink, ang desisyon sa maritime case ng Pilipinas ay isang mahalagang kontribusyon na maibabahagi ng Pilipinas upang wakasan ang iringan sa South China Sea sa pamamagitan ng mapayapang resolusyon.
Una nang sinabi ng Chinese Foreign Ministry na nakahandang dumepensa ang kanilang military force sa mga bansa na magtatangkang agawin ang kanilang teritoryo.
Nitong Lunes, isang araw bago ang paglabas ng UN ruling ay nagtapos ang live-fire war games ng Chinese troops sa WPS na sinimulan ng Beijing noong Hulyo 8, 2016.
Ang fire drill ng mga Chinese warships, fighter jets at submarines kung saan nagpakawala ng mga missile at torpedo sa South China Sea ay bilang paghahanda umano sa pinangangambahang ‘digmaan’ sa WPS sakaling may magtangkang umagaw sa sinasabing teritoryo ng China na nasa 200 nautical miles exclusive economic zone (EEZ) naman ng Pilipinas.
Dahil dito, sinabi ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na maaaring magpasaklolo ang Pilipinas sa UN General Assembly at hilingin na magpadala ng peacekeeping contingent sa South China Sea kapag ibasura ng China ang isinusulong na “bilateral talks” ng Pilipinas.
“We may opt to go directly sa UN-GA at humingi tayo ng tulong. Of course katakot-takot na kampanya ito, China won’t take it sitting down. Di sila magka-campaign sa member countries,” pahayag ni Lacson.
Aniya, mahalagang mapakagpadala ang UN ng mga “peacekeeping contigent” sa mga deklaradong “traditional fishing grounds” sa South China Sea bilang proteksiyon na rin sa posibleng marahas na gawin ng China.
“Kasi kung may UN contingent doon na composed of different member countries, I don’t think China for all its bravado, for all its military might, I don’t think gigiyerahin ang UN peacekeeping force. Otherwise makakalaban nila doon community of nations na. So sa akin lang yan ang naisip ko pwede natin gawin as option kung uubra. Di ako lawyer or international law expert, parang kaunting layman. Forward looking baka sakaling pwede i-try dumulog,” dagdag ni Lacson.