MANILA, Philippines - Kinumpirma kahapon ng tagapagsalita ng Abu Sayyaf Group (ASG) na itinuloy ng kanilang grupo ang pagpugot sa ulo ng isang Canadian hostage matapos na mabigo ang pamilya nito at mga otoridad na ibigay ang kanilang hinihinging P600 milyong ransom sa bulubundukin sa Sulu.
Sa pahayag ng isang Abu Raami, nagpakilalang spokesperson ng ASG, pinugutan na nila ng ulo ang Canadian hostage na si Robert Hall matapos ang itinakdang oras na deadline kahapon.
Ayon kay Rami, ang ulo ni Hall ay itinapon na nila sa isang lugar sa Jolo, ang kapitolyo ng Sulu.
Una nang nagbigay ng ultimatum ang mga bandidong Abu Sayyaf na pupugutan ng ulo ang isa sa nalalabi pang dalawang Samal hostages kapag hindi naibigay ang hinihingi nilang P600 milyong ransom ng hanggang alas-3 ng hapon nitong Lunes.
Noong Abril 25, 2016, una nang pinugutan ng ulo ng ASG ang Canadian hostage na si John Ridsdel na itinapon rin ang ulo sa isang basurahan sa malapit sa munisipyo ng Jolo nang hindi maibigay ang P300 milyong ransom.
Una nang nag-demand ang Abu Sayyaf na tig P1 bilyong ransom sa mga hostages.
Kabilang pa sa nalalabing Samal hostages ay ang Norwegian na si Kjartan Sekkingstad at ang Pinay na si Maritess Flor. Sila ay binihag sa Ocean View Resort sa Island Garden City of Samal noong Setyembre 21, 2015 saka dinala at itinago sa Sulu.
Nitong Lunes ng umaga, ilang oras bago mapaso ang deadline na hanggang alas-3 ng hapon ay nagmakaawa pa sina Hall at Sekkingstad para sa kanilang buhay gayundin ang Pinay na si Flor na nanawagan kay incoming President Rodrigo “ Digong “ Duterte.
“To the Philippine government, please get us all out of here. We hope the Philippine government will do all to get us all out here, do what they can to get us out of here,” ani Hall sa video clip na kumalat sa social media.
Habang sinusulat ang ulat na ito, sinabi ni AFP Public Affairs Office chief Col. Noel Detoyato na patuloy nilang kinukumpirma ang ulat na pinugutan si Hall.
Samantala, sinabi ni Sulu Provincial Police Office Director P/Sr. Supt. Wilfredo Cayat na kahapon ng umaga ay nagkaroon pa ng negosasyon para pigilin ang mga bandido na ipagpaliban ang pagpugot sa ulo ng dayuhang bihag.
Samantala, sinabi ni PCOO Sec. Herminio Coloma Jr na patuloy ang ginagawang military at police operations upang mailigtas ang mga nalalabing bihag ng ASG.
Ani Coloma, bagama’t nagbanta ang ASG na papatayin at pupugutan ng ulo ang mga bihag, naninindigan ang gobyerno sa “no ransom policy”.