NORTH COTABATO – Pinaniniwalaang selos ang isa sa motibo kaya pinatay ang 33-anyos na katiwala sa poultry farm matapos itong saksakin ng kasamahang lalaki sa Barangay Conel sa General Santos City, South Cotabato kamakalawa ng gabi.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, ang pagkakapatay sa biktimang si Ronelo Dela Cruz ay natagpuan sa loob ng kubo bandang alas-4 ng madaling araw.
Nabatid na nagdiwang pa ng kanyang birthday ang biktima noong nakalipas na gabi kung saan nakipag-inuman pa ito sa ilang kalalakihan.
Ayon sa ulat ng pulisya, sinasabing pinagselosan ng suspek na si Jeffrey Verano ang biktima dahil sa pagiging malapit nito sa kanyang girlfriend na si Rose.
Ayon sa ilang nakasaksi, namataan sina Rose at Jeffrey na nagmamadaling umalis mula sa nasabing lugar bago natagpuan ang bangkay ng biktima.
Napag-alamang tumakas si Verano patungong Davao City.